Nigerian ‘online scammer’ tiklo sa entrapment

CAVITE, Philippines – Arestado ang isang 27-anyos na negos-yanteng Nigerian national na sangkot umano sa online scam sa isinagawang entrapment operation na isinagawa ng pulisya sa Barangay Panapaan 6, Bacoor City, kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10175 na si Kingsley Chisom, isang online trader, residente ng #8 Champaca St., Andrea 1, Brgy. Panapaan 6 ng lunsod na nabanggit.

Sa ulat kay Cavite Provincial Director Sr. Supt William Segun, inireklamo ng biktimang si Ico Sol, 28-anyos ng Bacoor City ang suspek matapos niya umanong maramdaman na niloloko siya nito sa kanilang transaksyon online.

Ayon sa biktima, nakatanggap siya ng online messages mula sa isang alyas “Mark Ken” na siya ay nanalo ng US$950,000.00 sa Lotto noong Agosto 16, 2019.

Sinabi ng suspek sa kanya na magbibigay din ito ng mga donasyon sa mga nabiktima ng nagdaang bagyo at siya umano ang magiging daan upang ito ay maipamahagi tulad ng mga damit, noodles, chocolates, milk, sabon at magpapadala rin sa kanya ng halagang US$200,000 upang maipamahagi sa mga nabiktima ng bagyo .

Nahikayat naman ang biktima sa alok ng suspek kung kaya nang magsabi siya na kailangan niyang magpadala ng P10,000 upang ma-pro-seso ang mga nabanggit na pera at donasyon ay agad siyang nagpadala ng pera sa isang remittance center sa isang minimart store sa nabanggit na barangay.  Suba­lit ilang araw ang lumipas ay wala pa rin ang mga ipina-ngakong donasyon.

Nang muling mag-online ang suspek at mag-message sa biktima, muling humihingi ang dayuhan ng karagdagang P10k dahil nagkapro-blema umano sa proseso. Dahil dito, nagtungo na ang biktima sa pulisya at isinagawa ang entrapment.

Nasakote ang suspek sa aktong pagkuha ng P10,000 sa Pera Padala at narekober dito ang isang laptop na siyang ginagamit nito sa modus operandi at apat na cellular phones.

 

Show comments