5-anyos utas sa ‘holen’ ng 7-anyos pinsan!
MANILA, Philippines — Patay ang isang 5-an-yos na batang lalaki makaraang mabaril ng “holen gun” ng kanyang 7-anyos na pinsan habang nagla-laro ang dalawa sa liblib na lugar sa Sitio Mangosteen, Brgy. Gumagadong-Calawag, Parang, Maguindanao kamakalawa.
Ang biktimang tinukoy sa palayaw na Ali ay idineklarang dead-on-arri-val sa pagamutan sa lungsod ng Cotabato matapos na mapuruhan sa ulo ng pumutok na “toy gun”.
Ang sinasabing holen gun ay gawa sa improvised na PVC (polyvinyl chloride) pipe gun powered na ginagamitan ng alcohol at mga holen ang bala.
Sa report ni Parang Municipal Police Station (MPS) chief P/Lt. Colonel Ebrahim Jambiran, alas-12:50 ng hapon nang aksidente umanong makalabit ng 7-anyos ang gatilyo ng improvised marble gun at pumutok. Minalas namang masapol ng balang holen ang nakababatang pinsan.
“His cousin accidentally squeezed the trigger, not noticing it was loaded with a marble bullet that hit badly his younger cousin in the head,” ani Jambiran.
Ayon kay Jambiran, ang holen gun sa mga liblib na lugar sa lalawigan ay ginagamit sa pangha-hunting ng mga ibon at pambugaw ng mga unggoy na umaatake sa mga pananim. Sa kabila nito, hindi naman ikinokonsiderang deadly weapon ang improvised marble gun o holen gun at base sa tala ay ito ang unang pagkakataon na may namatay na biktima sa insidente.
Ipinasa na ang batang suspek sa Municipal Social Welfare Office para sa kaukulang disposisyon at psycho-social intervention.
- Latest