Habang lulan ng bangka
MANILA, Philippines — Wakwak na ulo at kanang binti na lamang ang natira sa isang 10-anyos na estudyante makaraang atakihin at lapain ng matatalim na pangil ng isang mabalasik na buwaya habang sakay ng bangka sa ilog ng Sitio Tagpanasan, Brgy. Salang, Balabac, Palawan, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni Police Lt. Colonel Socrates Faltado, spokesman ng Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) Police ang biktima na si Mihasan Suraping, mag-aaral ng Paliisan Elementary School at residente ng Sitio Karikitan, Brgy. Catapugan, Balabac.
Ayon sa opisyal, natagpuan sa ilog ang gutay na biktima kung saan wakwak na ang ulo nito at ilang bahagi na lang ng kanyang kanang binti ang natira makalipas ang isang araw na pag-atake ng buwaya.
Sinabi ni Faltado, Miyerkules ng umaga, Agosto 13 nang magtungo sa himpilan ng Balabac Municipal Police Station (MPS) ang ma-ngingisdang si Alajong Amalong at inireport ang pagkakatagpo nito sa isang wakwak na ulo ng batang lalaki at nalabing kanang binti nito.
Bago ito, Lunes ng umaga o Agosto 12 nang ireport naman sa Balabac Municipal Police Station (MPS) ni Robinsio Suraping ang naganap na pag-atake ng buwaya sa batang anak na si Mihasan.
Ayon sa ama, bandang alas-6 ng gabi nitong Agosto 11 nang magtungo sa isang tindahan ang anak kasama ang dalawa nitong kapatid na 12 at 15-taong gulang gamit ang isang maliit na bangka. Ang lugar ay isang ma-laking ilog na karugtong ng dagat sa lugar kung saan nagagawi umano ang malalaking buwaya.
Pabalik na aniya ang magkakapatid sa kanilang bahay kung saan nakaupo ang biktima sa dulo ng bangka nang biglang umatake ang isang malaking buwaya at mabilis na sinagpang ang huli ng matatalim na pangil saka tinangay sa ilalim ng tubig.
Mabilis namang sumagwan ang dalawang magkapatid patungo sa pampang at kumaripas ng takbo at sinabi sa kanilang ama ang malagim na pangyayari.
Humingi naman ng tulong ang ama kasama ang mga lalaking kapit-bahay para sa search and rescue operation pero dahil madilim na ang paligid ay nabigong mahanap ang biktima.
Positibong kinilala ng ama na mga labi ng kanyang anak ang natagpuan ng nasabing mangingisda sa ilog.