Clan war: 8 utas, 3 pa sugatan

Ayon kay AFP Western Mindanao Command (AFP-Westmincom) Spokesman Major Arvin John Encinas, naganap ang clan war dakong alas-11:23 ng umaga sa liblib na lugar sa Sitio Ereley sa Brgy. Central ng bayang ito.

MANILA, Philippines — Walo katao ang iniulat na nasawi habang tatlo pa ang nasugatan sa umano’y clan war sa magkahiwalay na insidente sa Sumisip, Basilan at Pikit, North Cotabato kamakalawa at kahapon ng umaga.

Ayon kay AFP Western Mindanao Command (AFP-Westmincom) Spokesman Major Arvin John Encinas, naganap ang clan war dakong alas-11:23 ng umaga sa liblib na lugar sa Sitio Ereley sa Brgy. Central ng bayang ito .

Sa report, nagpanagpo ang magkalabang angkan nina Hadji Talil, grupo ni Marjim Barillo at Arsid Isik na matagal nang may ma­tinding alitan ang mga pamil­ya na nauwi sa palitan ng putok. Ang pamilya ni Talil ay nakabase sa Brgy. Libug habang si Barillo ay barangay chairman sa Central at si Isik naman ang chairman sa Brgy. Gulong; pawang sa bayan ng Sumisip.

Sa palitan ng putok ay lima katao ang nasawi na nakilalang sina Kinning Emo, Nulphy Norim, Hasil Baakal, Hassamin Barillo Muslimin at Isik samantalang nasugatan ang isang Ayog Baakal.

Nauna rito, tatlong mi­yembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasawi habang dalawa pa ang nasugatan makaraang tambangan at pagbabarilin ng mga armadong kala­la­kihan na pinaniniwalaang mula sa kalaban nilang angkan sa naganap na rido sa Sitio Dingaya, Brgy. Bulol, Pikit, North Cotabato dakong alas-3:30 ng hapon nitong Lunes.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 12, pawang mga dead-on-the-spot sa insidente sina Mohamed Ahad, 29; Maan Pananggilan, 32, at Unday Abdulkadir, 29; habang isinugod sa pagamutan ang dalawa pa.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng M14, M16 at cal. 45 caliber pistol. (Rhoderick Beñez)

Show comments