MANILA, Philippines — Nasa 12 katao ang iniulat na patay habang isa ang nawawala matapos na tatlong bangka na patungong Guimaras Island ang tumaob sa karagatang sakop ng Iloilo sa kasagsagan ng masungit na lagay ng panahon kahapon.
Ayon sa Philippine Red Cross, nagpapatuloy ang rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG), PRC at iba pang search and rescue team sa nawawalang pasahero ng dalawang bangkang de motor na M/B Cheche at M/B Keshia na hinampas ng malalakas na hangin at alon sa Iloilo-Guimaras Strait nitong Sabado ng alas-12 ng tanghali.
Sa ulat, may sakay na 43 katao ang M/B Cheche at lulan naman ng M/B Keshia ang apat na crew nang maganap ang sakuna.
Nasa 32 katao ang nasagip ng PCG at mga rescuers kabilang na ang mga crew ng dalawang nabanggit na pampasaherong bangka.
Dinala ang mga nasagip sa isang ospital sa Jordan, Guimaras habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga nawawala.
Makaraan naman ang dalawang oras, isa pang bangkang de-motor na Gene Vince na may lulang 30 pasahero at may rutang Iloilo-Buenavista, Guimaras (vice versa) ang tumaob din bunsod ng matinding alon dahil sa bagyo.
Nagpadala na umano ang PCG Iloilo ng rescue vessel sa mga lugar para sa isinasagawang search and rescue operations.