MALOLOS CITY, Bulacan , Philippines — Nasa 11 sasakyan na karamihan ay mamahalin at umano’y pagmamamay-ari ng kasalukuyang vice mayor ng siyudad na ito ang nasunog sa loob ng kanilang garahe kamakalawa ng madaling araw.
Ayon sa report ng Malolos City Fire Station sa pangunguna ni Major Antonio de Jesus, dakong alas-3:00 ng madaling araw nang makatanggap sila ng tawag na may nasusunog sa loob ng bakuran ni Malolos City Vice Mayor Len Pineda sa Brgy. Mabolo, nasabing lungsod.
Agad na rumesponde ang mga bumbero ng Malolos at nang makarating sila sa lugar ay doon nila nakita ang mga sasakyan sa garahe ng bise alkalde na halos tupok at nilamon na ng apoy.
Tinatayang nasa 11 sasakyan ang nasunog kabilang na rito ang isang Hyundai, Mitsubishi Galant, Honda Civic, Volkswagen, Suzuki Carry, 3 Isuzu Elf at 3 Racal Tribike.
Sinisilip ng mga awtoridad kung sinadya o posibleng “short circuit” ang sanhi ng sunog.
Ang nasabing garahe ay ginagamit ding bodega at nakahiwalay ng may ilang metro sa tinitirhang bahay ng bise alkalde.