CABAROGUIS, Quirino , Philippines — Muling nagbigay ang South Korea ng halagang $.79 milyon para sa proyekto ng mga magsasaka ng Quirino kamakalawa.
Ang nasabing halaga ay karagdagan umano sa Phase I project ng Korea International Cooperation Agency (KOICA) para sa itinatag na Quirino Integrated Agricultural Development Project (QIADP), isang comprehensive rural development project na ang layunin ay mahango sa kahirapan ang mga magsasaka at maparami ang kanilang agricultural production kabilang na ang pagkakaroon ng iba pang community livelihood sa lalawigan ng Quirino.
Sa isinagawang groundbreaking ng itatayong livelihood center sa Capitol Hills in Cabaroguis, Quirino kamakalawa, personal na ipinagkaloob ni South Korean Minister Counselor Kim Sun Young kay Quirino Governor Dakila “Dax” Cua ang inisyal na $797,900.00 o mahigit sa P40 milyon bilang bahagi ng $9.5 million na tulong ng Korea sa mga magsasaka ng Quirino.
Ayon kay Young, nakita ng Korea ang maayos na pagpapatupad sa mga proyekto ng QIADP Phase I na una nilang isinagawa noong 2014-2017 kung kaya’t muli nilang dinagdagan ang dating $5 million at ginawang $9.5 million para sa Phase II.
Maliban sa nasabing halaga, namahagi rin ang Korea ng 4 na farm vehicles, isang dump truck, 1 pick-up truck, 1 tractor at sari-saring farm machinery para sa mga farmer-beneficiaries.