MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ang hepe ng Regional Health Services ng PNP-Region 12 matapos na mahuli sa entrapment operation ang isang tauhan nito na umano’y nangingikil ng P50,000 mula sa isang PNP applicant, iniulat kahapon.
Ang na-relieve sa puwesto ay kinilalang si Lt. Col. Perfecop Yu na ngayon ay iniimbestigahan sa Camp Crame. Hahalili sa kanyang naiwang puwesto si P/Lt. Col. Johanna delos Santos.
Ang pagsibak kay Yu ay dahil sa command responsibility matapos ang pangongotong umano ng kanyang tauhan na si P/Master Sergeant Arnel Abellera na nasa kustodya ng Kampo Lera habang sumasailalim sa pagsisiyasat makaraang ireklamo ng kapatid ng isang aplikante sa pagka-pulis na residente ng Pres. Quirino, Sultan Kudarat.
Matatandaang hinuli ng Integrity Enforcement Monitoring Group mula sa Camp Crame nitong Lunes si Abellera sa loob ng isang fastfood chain nang tanggapin nito ang marked money na ginamit sa entrapment operation.
Kapalit umano sa nasabing pera ang neuro examination result na isa sa requirements sa PNP recruitment.