NUEVA ECIJA , Philippines — Isa ang nasawi habang apat ang arestado sa isinagawang buy-bust operations sa dalawang bayan at isang lungsod sa lalawigang ito noong Huwebes, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ayon kay P/Col. Leon Victor Rosete, Nueva Ecija Police provincial commander, napatay ang drug suspect na si Jeffrey Sangabol, alyas “Jeff”, nasa hustong gulang, may-asawa, ng Brgy. Valenzuela, Sta. Rosa, Nueva Ecija, makaraan umanong manlaban sa mga kagawad ng Guimba Police sa buy-bust operation sa Brgy. Cavite, Guimba, dakong alas-10:30 ng gabi noong Huwebes.
Naaresto naman ang mga suspek na sina Randall Salongcay, 34, may live-in partner isang vendor at John Kenneth Flores, 26, binata, tricycle driver, kapwa ng Brgy. Bantug Norte, Cabanatuan City alas-11 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang Talavera Police sa Brgy. San Miguel na Munti habang sina Ro-naldo Pascual, 38, binata, tricycle driver, ng Purok 5, Brgy. Imelda, at Rolando Alcaraz, 40, binata, isang dressmaker ng Purok 1, Brgy. Vijandre; kapwa ng Cabanatuan City ay nasakote sa buy-bust sa Purok 5, Brgy. Imelda, ng nasabing lalawigan dakong alas-2:30 ng hapon noong Huwebes.
Nakumpiska kina Salongcay at Flores ang umano’y mga high grade ng pinatuyong dahon ng marijuana na nakasilid sa isang malaki at dalawang maliit na zip-lock plastic at 4 pang plastic sachet ng umano’y shabu kasama rin ang P1,000 na buy-bust money.
Nasamsam naman kina Pascual at Alcaraz ang walong plastic sachet ng hinihinalang shabu at P500 marked money.