MANILA, Philippines — Pinatawan ng 90-araw na suspensyon ng Sandiganbayan 6th Division si North Cotabato Governor Nancy Catamco dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng P5-milyong fertilizer.
Sa 7-pahinang resolusyon ng anti-graft court, inatasan nito ang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ipatupad ang suspension order at dapat ipagbigay-alam sa korte ang aksyong ginawa nito sa loob ng 15-araw matapos matanggap ang kutusan.
Base sa impormasyon na inihain ng Ombudsman sa Sandiganbayan, May 2004 ay nakipagsabwatan umano si Catamco sa kanyang mga kapwa akusado na sina Poro Cebu Municipal Mayor Edgar Rama at Pompey Perez at ilan pang miyembro ng Municipal Council na kanya ring kasosyo sa Perzebros Company.
Sa kumpanya umano ni Catamco at partner niya ibinigay ang award para sa pagbili ng P5-milyong kontrata para sa mahigit 3,000 bote ng Vitacrop liquid organic fertilizers na nagkakahalaga ng P1,500 kada bote na hindi naman duma-an sa public bidding at wala ring rekomendasyon ang Bids and Awards Committee.
Bukod dito, lumalabas na overpriced umano ng presyo ng biniling fertilizer ng P1,092 kada bote.
Nilinaw naman ng korte na balido ang impormas- yon ng Ombudsman at nangyari o nagawa ito sa panahon ng panunungkulan ng gobernador bilang public officer.
Si Catamco ay 3-term congressman at nahalal bilang governor ng North Cotabato noong nagdaang May elections.