MANILA, Philippines — Isang radio announcer ang namatay makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa National Highway sa panulukan ng Quezon Boulevard at Diversion Road, Sinsuat St., Kidapawan City kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang biktima na si Eduardo ‘Ed’ Dizon, anchor ng Brigada News FM Kidapawan, nasa hustong gulang at residente ng Tejada Subdivision sa bayan ng Makilala.
Ayon kay Police Lieutenant Col. Maria Joyce Birrey, hepe ng Kidapawan City PNP, alas-10:25 ng gabi, pauwi na sa kanyang bahay si Dizon mula sa trabaho nang sundan ng mga suspek at pinaulanan ng bala ang sasakyan ng biktima na Mitsubishi Mirage G4.
Naikabig pa ni Dizon sa gilid ng highway ang kanyang sasakyan bago ito bawian ng buhay. Patay noon din si Dizon dahil sa limang tama ng bala sa kanyang katawan.
Idinagdag pa ni Birrey na bubuo sila ng task force na siyang tututok sa kaso ng pagbaril kay Dizon.
Si Dizon anchor ng “tira Brigada Program” ng brigada news FM Kidapawan at naging mainit ang talakayan nito sa isyung KAPA.
Siya na ang ika-18 mamamahayag na nasawi sa ilalim ng administrasiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.