Paslit hinalay, hinagis sa ilog ng tiyo!

MANILA, Philippines — Isa na namang karumal-dumal na krimen ang naitala matapos na halayin ng manyakis na tiyuhin ang 5-anyos na pamangkin saka hinagis sa ilog sanhi ng pagkalunod nito sa Brgy. San Miguel, Calumpit, Bulacan kamakalawa.
Ang biktima ay itinago sa pangalang Neneng sa pakiusap na rin ng nagluluksa nitong pamilya.
Arestado naman ang suspek na si Marvin Mengulio, 23-taong gulang, residente ng Purok 2, Brgy. San Miguel, Calumpit, Bulacan.
Sinabi ni Bulacan Provincial Police Office P/Colonel Chito Bersaluna, dakong alas-3 ng hapon nang marekober ang bangkay ng bata habang lumulutang matapos na anurin at mapadpad sa Pampanga River.
Agad nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya nang ireport ito ng isang concerned citizen at hinanap ang pamilya ng bata. Nagkataon namang napaulat na nawawala ang 5-anyos na batang babae sa bayan ng Calumpit kung saan naberipikang ito ang hinahanap na biktima.
Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) team at habang sumasailalim sa pagtatanong ang tiyuhin ng biktima ay dito na umamin na siya ang pumatay sa pamangkin.
Inamin din nito na hinalay niya ang bata at dahil umiyak ito nang malakas kung kaya niya inihagis sa ilog.
Nabatid na habang natutulog ang bata, binuhat at dinala ng suspek sa ilog kung saan dito na niya hinalay at nang magising ay umatungal ng iyak. Nairita naman ang suspek kaya itinapon sa ilog ang paslit na siya nitong ikinalunod.
Ayon sa ina ng biktima, tatlong taon pa lamang ang kanilang anak nang molestiyahin ng suspek pero hindi nila ito ini-report sa pulisya bunga ng kahihiyan.
- Latest