MANILA, Philippines — Tatlong hinihinalang kasapi ng “gun-for-hire group” ang napatay matapos na umano’y makipagbarilan sa mga otoridad sa Brgy. San Pablo Nayon, Sto. Tomas, Batangas.
Ayon kay Police Lt. Col. Rey Ochavo, hepe ng Sto. Tomas Police, nakatanggap sila ng ulat na may mga armadong lalaki na kahina-hinala ang kilos sa kanilang lugar kaya agad na rumesponde ang mga pulis dakong alas-4:30 ng hapon noong Sabado at nadatnan pa nila ang mga suspek kaya nakipagnegosasyon sila ng halos ilang oras para sila ay sumuko.
Gayunman, dakong alas-11 ng gabi nang nagsisigaw umano ang mga suspek na hindi sila susuko at salitang “Allahu Akbar” sabay nagpaputok ng kanilang mga baril kaya napilitang gumanti ng putok ang mga pulis.
Napuruhan ang tatlo na walang makitang pagkakakilanlan na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Samantala, dalawang bata na naipit sa putukan ang nailigtas ng mga awtoridad na natapos kahapon ng madaling araw.
Sinabi ng presidente ng homeowners association sa naturang lugar, dumarating ang mga suspek tuwing hatinggabi sakay ng hindi malamang sasakyan.