ANGELES CITY , Philippines — Umaabot sa isang milyong pisong halaga ng party drugs ang nasamsam sa buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency Region III at Angeles City Police sanhi ng pagkakaaresto ng walo katao sa isang 4-star hotel sa Brgy. Malabanias sa lungsod, Sabado ng gabi.
Kinilala ni PDEA Region III Director Gil Pabilona ang mga suspek na sina Bernice Fabiosa, 21; Ma. Isabel Lawas,19; Aileen Baldon, 23; Jamie Mendoza, 20; Jessa Scott, 19; Bernadeth Saavedra,19; Sean Moreno,42, at Gregorio Imperial, 26; mga residente ng Angeles City.
Nasamsam sa mga suspek ang 310 tableta ng ecstasy, 5 pirasong Dimethyl Tripticase (DMT); isang screw cup plastic bottle na naglalaman ng 100 pirasong valium; 3 pakete ng hybrid marijuana, 0.75 gramo ng cocaine at mga drug paraphernalia.
Ayon kay Pabilona, isang impormante ang nag-tip na laganap sa nasabing lugar ang pagbebenta ng party drugs kaya’t agad silang nagkasa ng buy-bust at isang PDEA agent ang nagpanggap na buyer ng droga.