SANTIAGO CITY, Isabela , Philippines — Umabot sa 28,000 mga alagang manok ang nalitson matapos tupukin ng nangangalit na apoy ang isang poultry farm sa Brgy. San Isidro, Luna, Isabela kahapon ng madaling araw. Ayon sa ulat, ang nasabing manukan ay pag-aari umano ng isang negosyante na nakilalang si Menchie Huang, 39, na residente ng Brgy. Mabanga-bang, Luna, Isabela.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa bayan ng Luna, dakong alas-4:00 umano ng madaling araw kahapon nang sumiklab ang sunog na naging dahilan para matupok ang nasabing manukan.
Mapalad naman na walang nasawi o nasugatan sa sunog. Habang sinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ng mga tauhan ng BFP ang halaga ng mga natustang manok, kabilang ang ari-ariang natupok ng apoy.