MANILA, Philippines — Patay ang isang 6-buwang sanggol na babae makaraang aksidenteng mahulog sa timba na puno ng tubig at oxalic acid sa Libertad Public Marker sa Brgy. 40, Bacolod City, Negros Occidental kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ng Bacolod City Police, nangyari ang trahedya sa nasabing palengke bandang alas-2 ng madaling araw sa nasabing palengke. Kasalukuyang natutulog sa mesa ang sanggol katabi ang mga pagod nitong magulang nang maalimpungatan ang beybi at gumapang.
Hindi na naramdaman ng mag-asawa ang kanilang supling nang aksidenteng mahulog sa timba na puno ng tubig at oxalic acid na gamit ng mga vendor nitong magulang sa mga panindang gulay at prutas para magmukhang sariwa.
Nang magising ang mag-asawa, nagitla sila nang makitang nakalubog na sa timba na una ang ulo ang kanilang sanggol na bagama’t nagawa pang maisugod sa Corazon Montelibano Memorial Hospital ay nabigo nang maisalba ang buhay nito.