NORTH COTABATO , Philippines — Nakitang palutang-lutang sa isang latian o tubigan ang isang ballot box na naglalaman ng mga balotang hindi umano naisama sa bilangan noong nakalipas na May 13 elections sa Brgy. Sambulawan, Datu Salibo, Maguindanao, iniulat kahapon.
Ang naturang ballot box ay natagpuan ng mangingisdang si Moadz Mindao sa nasabing barangay noong nakaraang linggo.
Sabi ni Mindao, napagkamalan niya pang buwaya ang lumulutang na ballot box kaya’t natakot siyang lapitan ito. Ngunit nang makumpirmang isa nga itong ballot box, kaagad niyang nilambat at ibinigay sa mga barangay officials na nag-turnover sa local election office ng bayan.
Ayon naman sa local election office, wala umanong epekto sa naging resulta ng halalan kahit bilangin pa ang mga balotang laman ng natagpuang ballot box.
Mayroong 9,504 registered voters sa Datu Salibo. Sa bilang na ito, halos limang libong mga botante lamang ang bumoto noong May 13.
Naiproklamang bagong halal na alkalde si Solaiman Sandigan na nakakuha ng 2,729 na boto, habang 1,427 na boto naman ang nakuha ni outgoing Mayor Norodin Salasal. Mayroong 1,778 na mga rehistradong botante sa Brgy. Sambulawan kung saan nakuha ang lumutang na ballot box.