KIDAPAWAN CITY , Philippines — Patay ang isang pahinante habang sugatan ang kasamang drayber matapos na tumaob ang sinasakyan nilang 10-wheeler truck nang mawalan ng preno sa gilid ng national highway sa hangganan ng Sitio Patulangon, Malasila at Purok 11-B, Brgy. Poblacion, Makilala, North Cotabato kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawing helper na si Dionesio Sibag at ang sugatang drayber ng truck na si Marcelino Salvacion, 59; kapwa ng Esperanza, Sultan Kudarat.
Sinabi ni Makilala Police chief, P/Major Johhny Rick Felongco Medel, posibleng pumalya ang preno ng truck na may kargang malalaking sako ng semento sa pakurbadang daan hanggang sa tumaob ito pasado alas-5:00 ng umaga.
Kapwa naipit ang drayber at helper ng truck sa tumaob na sasakyan. Unang na-rescue ng mga residente ang drayber at isinugod sa ospital habang pahirapan ang pagkuha sa naipit na nasabing helper na idineklarang dead-on-arrival sa ospital.