Magkapatid na paslit sinaksak ng adik na ama
MANILA, Philippines — Sugatan ang isang magkapatid na paslit matapos silang pagsasaksakin ng gunting sa leeg ng kanilang sariling ama na umano’y adik sa shabu sa Bacolod City, Negros Occidental kamakalawa.
Sa ulat ng Bacolod City Police, patuloy na nilalapatan ng lunas ang mga batang biktima na nasa edad 2 at 3 taong gulang sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.
Dinampot naman ng mga pulis ang adik na ama ng mga bata na si Elmer Laruan, nasa hustong gulang.
Base sa imbestigasyon, dakong alas-6:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa tahanan ng pamilya sa Purok Paraiso, Sitio Sibucao, Brgy. Banago ng lungsod na ito.
Sa salaysay ng misis ng suspek na si Cherry, kasalukuyan siyang nagluluto ng almusal at nagtitimpla ng gatas nang marinig ang malakas na palahaw ng iyak ng dalawang paslit na anak.
Kaagad niyang tinungo ang mga bata at dito niya nakita ang asawa na hawak ang gunting at pinagsasaksak sa leeg ang kanilang dalawang anak.
Mabilis naman itong nakahingi ng tulong sa mga kapitbahay na nagawang maawat ang nasabing mister kung saan ay mabilis na isinugod sa pagamutan ang mga biktima at agad na inaresto ang suspek na nagtangka pa umanong tumakas.
Samantalang desidido naman ang ina ng mga biktima na sampahan ng kaso ang kanyang mister dahil sa ginawa nitong krimen sa kanilang mga anak.
- Latest