LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Tatlong sundalo ng Philippine Army ang sugatan matapos masabugan ng landmine na pinaniniwalaang itinanim ng mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) habang nagpapatrulya sa bulubunduking lugar ng Sitio Cawayan, Brgy. Canelas, San Fernando, Masbate kamakalawa.
Patuloy na inoobserbahan sa ospital ang mga sugatang sundalo na sina Cpl. Arnel Carullo, Pfc. Noriel Cabaltera at Pvt. Alquin Alcantara, pawang mula sa Bravo Company, 2nd Infantry Batallion, 9th ID ng Phl Army na nakabase sa Brgy. Magsasaka.
Sa ulat, dakong alas-3:35 ng hapon, nagsasagawa ng foot patrol ang isang-squad ng mga sundalo sa pangunguna ni Sgt. Mandee Clemente Buenavida sa bulubunduking lugar kaugnay ng barangay visitation nang biglang sumabog ang bomba na tinatawag na “anti-personnel mine” na itinanim ng mga rebelde sa kanilang daraanan kung saan tinamaan ng shrapnel ang tatlo.
Nakuha sa lugar ang ilang fragments ng pinasabog na bomba at electric wire na may habang 100-metro.