6 kidnaper dedo sa engkuwentro
MANILA, Philippines — Pinaslang ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang bihag na Dutch national matapos na pagbabarilin habang nagtatangkang tumakas sa kalagitnaan ng opensiba ng tropa ng militar na ikinasawi ng anim namang mga kidnappers sa kagubatan ng Patikul, Sulu nitong Biyernes ng umaga.
Kinilala ni Col. Gerry Besana, Spokesman ng AFP Western Mindanao Command ang nasawing dayuhang hostage na si Ewold Horn, 59-anyos.
Bandang alas–7:41 ng umaga, nang pagbabarilin si Horn ng isa sa guwardya nitong Abu Sayyaf mula sa grupo ni ASG Commander Radullan Sahiron nang magtangkang tumakas sa gitna na rin ng focused military operation ng tropa ng 32nd Infantry Battalion (IB) ng Phl Army sa kagubatan ng Sitio Bud Sub-Sub, Brgy. Pansul, nasabing bayan.
Agad na naglatag ng blockade ang militar at nakasagupa ang grupo ni Sahiron na binubuo ng 30-40 armadong miyembro bandang alas-7:41 ng umaga. Umaatikabong bakbakan ang naganap na ikinasawi ng anim na bandido habang 12 pa nilang kasamahan ang nasugatan habang sa panig ng militar ay walo ang nasugatan.
Base naman sa report ni AFP-Joint Task Force (JTF) Sulu Commander Brig. Gen. Divino Pabayo Jr., matapos ang mahigit isang oras na engkwuentro, narekober ng mga sundalo ang bangkay ni Horn at Mingayan Sahiron, ikalawang asawa ni Sahiron sa encounter site. Ang ibang nasawi ay nabitbit umano ng mga nagsitakas nilang kasamahan.
“We condemn the inhumane acts carried out by Abu Sayyaf members against their captives and the innocent in Sulu,” pahayag naman ni AFP Westmincom Commander Lt. Gen. Arnel Dela Vega.
Magugunita na si Horn ay kinidnap ng ASG kasama ang Swiss national na si Leoncio Vinciguerra noong Pebrero 1, 2012 sa karagatan ng Brgy. Parangan, Panglima Sugala, Tawi-Tawi at itinago sa Sulu. Nakaligtas naman si Vinciguerra matapos na makatakas sa mga abductors noong Disyembre 26, 2016.
Sa kasalukuyan, isa na lamang ang bihag ng mga bandido na isang Pinoy pero wala itong “proof of life”.