Bus nabagsakan ng trak: 2 dedo, 50 sugatan

Wasak na wasak at hindi na mapapakinabangan pa ang isang trailer truck matapos na mahulog sa zigzag road at bagsakan nito ang isang pampasaherong bus na ikina-sawi ng dalawang driver ng nasabing mga sasakyan at ikinasugat ng 50 pasahero sa Atimonan, Quezon kahapon ng madaling araw.
Tony Sandoval

MANILA, Philippines — Dalawang driver ang kumpirmadong patay habang 50 pa ang sugatan makaraang mahulog sa matarik na zigzag road ang isang trailer truck at nabagsakan pa nito ang isang pampasaherong bus sa Brgy. Malinao Ilaya, Atimonan, Quezon nitong Lunes ng madaling araw.

 Kinilala ang isa sa mga nasawi na si Jonathan Lirio, driver ng bus habang inaalam ang pagkakakilanlan ng driver ng trailer truck. Sila ay kapwa dead-on-the-spot matapos na magtamo ng matinding sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

 Ilan sa mga nasugatan ay nakilala namang sina Jordan Anthony Manuel, 35-anyos, konduktor; Jerold Ombao; Abigail Rojo, 17, Grade 12 student; Dexter Diaz Moraleda, 22, helper ng bus; mga pasaherong sina Martmen Dagala, 44; Angelica Rivera, 22; Sangcad Pumbaya, 45; Maria Aleris Alvarado, 19, Grade 12; Celered Roho, 21; Marivic Amaro habang inaalam ang mga pangalan ng iba pa na kapwa isinugod sa ospital sa Atimonan.

 Sa report na tinanggap ni Calabarzon Police Director P/Brigadier Ge­neral Edward Carranza, alas-12:30 ng madaling araw nang mangyari ang malagim na trahedya sa pagitan ng Mark Eve Bus na minamaneho ni Lirio at ng trailer truck driver sa nasabing lugar.

Kasalukuyang bumabagtas sa southbound sa kahabaan ng diversion road sa nasabing barangay ang truck at pagsapit sa pakurbada at matarik na bahagi ng daan ay dumausdos pababa matapos na mawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng trak.

Sa bilis ng pagbulusok, ang truck ay bumagsak at sumalpok sa paparating na bus na bumabagtas sa northbound sa kaliwang bahagi ng highway,

Sa lakas ng pagkakabangga, bumaligtad at wasak ang dalawang behikulo na ikinasawi ng dalawang driver habang mabilis namang isinugod sa pagamutan ang mga sugatang biktima na karamihan ay pasahero ng bus.

Show comments