NORTH COTABATO, Philippines — Nagpalabas na ng advisory ang PNP 12 sa publiko para magbigay babala sa mga dumaraming investment scheme sa Region 12.
Sinabi ni Police Lt. Col. Aldrin Gonzales, spokesperson ng PNP 12, na kailangan umanong magdalawang isip ang publiko sa mga investment schemes na nagbibigay ng malaking tubo sa kanilang pera.
Ayon sa PNP 12, ayaw na nitong mangyari muli na mabiktima ang publiko katulad ng PPM o Pulis Paluwagan Movement kung saan maraming empleyado ng gobyerno, pulis, guro at pribadong indibiduwal ang naging biktima.
Sa mga biktima, puwede umanong dumulog sa PNP, CIDG o NBI para makapagsampa ng reklamo.
Aminado naman ang PNP na sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na reklamo laban sa mga investment schemes sa Region 12.
Nabatid na nagpalabas na rin ng babala sa publiko ang Securities and Exchange Commission (SEC) hinggil sa Davao-based Rigen Marketing na nagbibigay ng 400% na tubo sa perang ilalagak sa isang buwan.