Mega market nasunog

COTABATO CITY , Philippines — Naabo ang nasa 13 stalls matapos na masunog ang bahagi ng Cotabato City mega market, Biyernes ng tanghali.

Sa inisyal na report ng Bureau of Fire Protection o BFP-Cotabato City, nagsimula umano ang apoy pasado alas-12:00 ng tanghali sa stall number 24 na pagmamay-ari ni Abdul Gapor at nasa 2nd floor ng lumang gusali ng palengke.

Isang miyembro ng Barangay Peace-Keeping Action Team na nakilalang si Daniel Gauiabel ang nagtamo ng sugat matapos itong mawalan ng malay at malaglag mula sa ikalawang palapag ng nasusunog na gusali habang tumutulong sa pag-apula ng apoy. 

Sa ulat, mabilis na kumalat ang apoy sa iba pang mga kalapit na tindahan partikular yung mga tindahan ng tela at ukay-ukay.

Agad namang nakapagresponde ang mga bumbero kaya’t hindi na kumalat ang apoy sa mga malalaking tindahan at mga bahay sa lugar. Tumulong din sa pag-apula ng apoy ang Chinese Fire Brigade, BFP BARMM at mga bombero sa mga karatig na bayan sa Maguindanao.

Sinabi ni BFP-Cotabato City spokesperson Fire Officer 2 Aldrin Narra na tinatayang nasa mahigit P500,000 ang halaga ng mga nasunog na ari-arian.

 

Show comments