MANILA, Philippines — Dalawang maliit na bata ang namatay makaraang pagtatagain ng sarili nilang ina sa pamayanan ng mga katutubong Mangyan sa Sitio Landing, Brgy. Pinagturiangan, Sta. Cruz, Occidental Mindoro kamakalawa.
Dead on the spot sa tinamong malalalim na taga sa katawan ang mga biktimang sina Rafin Juliata Cabudyok, 8 anyos, at ang bunso nitong kapatid na si Butuan Juliata Cabudyok, 1 anyos.
Nahaharap naman sa kasong double counts of parricide ang suspek na si Dida Juliata Cabudyok, 30 anyos. Ang mag-iina ay pawang kasapi ng Alangan, mula sa tribo ng mga katutubong Mangyan.
Sa naantalang report, sinabi ni Police Lt. Col. Socrates Faltado, Spokesman ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) Police, naitala ang krimen sa Sitio Landing pasado alas-7:00 ng umaga ng Biyernes.
Sa pahayag ng ilang kamag-anak ng ginang, posible umanong nagkadiperensya ito sa pag-iisip kaya nagawang paslangin ang kaniyang sariling mga anak.
Ang bangkay ng mga biktima ay dinala na sa Sta Cruz Rural Health Unit para sa post mortem examination.
Kasalukuyan na ngayong nasa kustodya ng Sta Cruz Police ang ginang na kalaboso na sa kinakaharap nitong kasong 2 counts of parricide na inihain sa Provincial Prosecutors Office sa Mamburao Occidental Mindoro.