19 tiklo sa armas sa checkpoint
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang 19 na kalalakihan na pinaniniwalaang mga miyembro ng isang lawless group matapos masakote sa isang checkpoint at makumpiskahan ng iba’t ibang uri ng armas at bala sa Brgy. Danlugan, Pagadian City, Zamboanga del Sur nitong Lunes ng hapon.
Ayon kay Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng AFP Western Mindanao Command, bandang alas-3:00 ng hapon nang masakote ng mga tauhan ng Army’s 53rd Infantry Battalion (IB) at Pagadian City Police Office ang mga suspek at makumpiskahan ng mga armas at bala.
Kabilang sa mga nakumpiskang armas ay limang cal. 5.56/M16 rifle, pitong cal. 45 pistol, dalawang cal. 357 revolver, isang caliber. 38 revolver, isang magnum 22, isang cal. 9 MM Taurus at sari-saring mga bala.
Ang mga suspek na pawang nakasibilyan ay lulan ng dalawang pickup trucks nang masakote sa checkpoint.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Firearms and Ammunition Law) at Comelec gun ban ang mga suspek.
- Latest