MANILA, Philippines — Nasawi ang isang kapitan ng barangay at kasama nito na miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) habang sugatan ang dalawa pang katao matapos pagbabarilin ng nag-iisang salarin habang nasa labas ng isang establisyimento sa Brgy. Poblacin, Tacurong City, Sultan Kudarat, kahapon ng tanghali.
Ang mga nasawing biktima ay sina Brgy. Lilit Chairman Abdul Daud Kines, 44-anyos; at BPAT member na si Kahir Tankilisan Kasiba.
Sugatan naman sa naturang pamamaril ang anak ng punong barangay na isang guro na si Riannie Guiwan Daud, 21-anyos at si Abdulrakman Daud Solaiman, 22, landguard sa isang plantasyon, pawang mga residente ng nasabing bayan.
Sa ulat ng Tacurong Police, dakong alas-11:40 ng tanghali kahapon habang nasa labas ng Wayuk outdoor and indoor adventure center sa Quirino Mercado Ave. sa nasabing lugar ang mga biktima nang bigla umanong sumulpot ang suspek at walang sabi-sabing pinagababaril ang mga ito.
Naisugod pa sa pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang patay ang punong barangay at ang BPAT member habang agad namang nilapatan ng lunas ang mga nasugatan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang kaso.