BOCAUE, Bulacan, Philippines — Patay ang dalawang lalaki nang makipagbarilan ang mga ito sa mga pulis habang isinisilbi ang search warrant sa kanila habang apat naman ang arestado sa isinagawang Simultaneous Anti Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa nasabing bayan kamakalawa ng madaling araw.
Ang napatay ay kinilalang si Edwin Gonzales, 46 at isang ’di pa nakikilalang biktima na kapwa residente ng Brgy. Bunlo ng nasabing bayan.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang magsagawa ng OPLAN Galugad ang mga operatiba ng Bocaue Police sa bahay ni Gonzales sa bisa ng search warrant.
Hindi pa nakakapasok ang mga pulis sa bahay ng suspek nang paputukan ng mga ito ang mga otoridad na agad namang nakaganti na nagresulta sa pagkamatay ng mga ito.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang kalibre .38 revolver, isang hand grenade, at shabu paraphernalias.
Sa bayan ng Pandi at Bulakan, arestado sa buy-bust operation sina Michael dela Cruz at Jomar Manlapa. Narekober sa mga ito ang anim na small plastic sachet ng shabu at buy-bust money.
Sa bayan ng San Jose del Monte, arestado naman ang wanted sa batas dahil sa kasong child abuse na si Ramil Victorino, 47, may asawa ng Brgy. Sapang Palay, habang dinakip din ang sinasabing kilabot na “tulak” ng droga na si Marco Enormo, 28, ng Brgy. Muzon na nahulihan naman ng tatlong small heat sealed plastic sachey ng shabu.