PALAYAN CITY, Nueva Ecija , Philippines — Patay ang isang batang lalaki matapos na malunod habang lumalangoy kasama ng anim na iba pang bata na kaibigan nito sa isang ilog sa Barangay Maligaya ng lungsod na ito, kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang namatay na bata na si Jett Timbang, 7-anyos, ng Barangay Maligaya, Palayan City. Ayon sa pulisya, bandang alas-2:30 ng hapon noong Huwebes, nagkaayaan ang biktima at anim pa nitong kaibigan na maligo sa ilog sa nasabing lugar.
Hindi nagtagal ay nakita na lamang ni Axel Saulog, 12-anyos, kaibigan ng biktima na nakalutang na ang biktima sa malalim na bahagi ng ilog.
Agad umano nilang ipinagbigay-alam sa nanay ng biktima na si Felma, 37, may-asawa, isang factory worker, ang sinapit ng anak nito. Dinala ang biktima sa Fort Magsaysay Army Station Hospital, ngunit idineklarang patay na ito.