Parak, 2 ‘pusher’ utas sa buy-bust!
MANILA, Philippines — Tatlo ang patay, kabilang ang isang pulis, at dalawang drug suspects habang isa pang alagad ng batas ang sugatan nang mauwi sa shootout ang buy-bust operation na ikinasa ng mga awtoridad sa Antipolo City, Rizal kamakalawa.
Ayon kay Rizal Police Provincial Director, P/Colonel Lou Frias Evangelista, naisugod pa sa Antipolo City District Hospital si Patrolman Ariel Dapyawan, ngunit binawian din ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa katawan, habang sugatan ngunit nasa maayos nang kondisyon ang kasamahan na si P/SSgt Joseph Monjardin.
Samantala, napatay din ng mga awtoridad ang mga suspek na nakilala lang sa mga alyas na “Laon” at “Etchay”, kapwa ng Sitio Sagipin, Brgy. De La Paz, Antipolo City.
Sa ulat, lumilitaw na dakong alas-6:20 ng gabi nang magkasa ng buy-bust operation ang mga Intel operatives ng Antipolo City Police laban sa mga suspek sa Sitio Sagipin. Isang pulis ang nagpanggap na buyer ngunit nang magkapalitan ng kontrabando at buy-bust money ay nakahalata ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon. Kaagad umanong kumaripas ng takbo ang mga suspek sa loob ng isang kalapit na bahay saka pinaputukan ang mga awtoridad sanhi ng shootout.
Tinamaan ng bala sa tiyan si Monjardin kaya’t isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center habang si Dapyawen ay minalas na tinamaan din at napatay.
Si “Echay” ay napatay sa barilan habang tinangka pang tumakas ni “Laon” ngunit hinabol ng mga pulis hanggang sa makorner sa Sitio Mapayapa at mapatay. Narekober sa mga suspek ang isang shotgun at isang kalibre .38 revolver.
Pinagkalooban naman ni Regional Director P/BGen. Edward Carranza ng “Medalya ng Sugatang Magiting” si Monjardin habang naka-confne sa Amang Rodriguez Medical Center at si Dapyawen na nakaburol na sa Heavens Gate 1, sa Brgy. Mayamot ay ginawaran ng “Medalya ng Kadakilaan” dahil sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin.
- Latest