LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Aabot sa halos P18-milyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga pulis matapos maaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation ang dalawang Nigerian national at isang Pinay sa Naga City, Camarines Sur kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga suspek na sina Azubuike Obiaghanwa Onwigbolu, 21-anyos, negosyante at pansamantalang nakatira sa Angeles City, Pampa-nga, Mbaneto Sopoluikwu alyas Herman Kurt Phillip, 22-anyos, pansamantalang nakatira sa Acacia Estage, Manila at Judith Balaqiuao-Camacho, 46-anyos, ng Brgy. San Jose, Bombon.
Ayon kay Police Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)5, dakong alas-2:15 ng madaling araw kahapon nang kumagat sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Naga City Police Office at PRO-5 si Onwigbolu sa Zone-3, Brgy.Triangulo na kapapasok lang ng Naga City o tatlong araw ang nakalilipas para magbagsak ng shabu.
Nasamsam kay Onwigbolu ang P16.4 milyong halaga ng shabu na nakalagay sa plastic sachet.
Sinabi ni Calubaquib, bago naaresto si Onwigbolu ay unang naaresto sa ginawang buy-bust ng mga pulis dakong alas-10:45 ng gabi noong Sabado sa Evangelista Street, Brgy. Dinaga sina Sopoluikwu at Camacho. Nakuha mula sa kanila ang P1.36 milyong halaga ng shabu na nakalagay sa malalaking plastic sachet.