SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Limang katao na kinabibilangan ng dalawang bata ang nasawi matapos malunod sa magkakahiwalay na lugar sa Cagayan Valley habang ginugunita ang Mahal na Araw.
Nakilala ang mga nasawi na sina Gomer Carl Balanon, 18, ng Barangay Alibagu, Ilagan City sa lalawigang ito; Reggie Evilla, 35, construction worker at residente ng San Manuel, Sto.Niño, Cagayan; Santiago Supnet Jr, 45, ng Calamagui, Solana, Cagayan at dalawang bata na sina Janica De Luna , 7, Grade 2 ng Brgy. Barucboc, Sta. Marcela, Apayao at Jhon Jerico Doran, 11, ng Brgy. Catugan, Lallo, Cagayan.
Ayon sa magkahiwalay na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-12:30 ng tanghali kamakalawa (Biyerne Santo) nang malunod si Balanon sa Abuan river sa Brgy. Villa Imelda, Ilagan City habang nagpi-picnic kasama ang mga kamag-anak. Alas-4:30 naman nang malunod si Supnet matapos sundan ang pinsan sa Cagayan River sa Solana habang ang 7-taong gulang na si De Luna ay nalunod habang nagpipicnic kasama ang pamilya sa ilog ng Brgy. Masi, Pamplona, Cagayan dakong alas 11:00 kamakalawa.
Nauna rito, narekober dakong alas-2:00 ng hapon kamakalawa ng mga rescue team ang bangkay ni Evilla matapos malunod dakong ala-1:00 nitong Huwebes sa Chico River habang ang 11-anyos na si Doran naman ay aksidenteng nahulog at tangayin ng agos ng ilog habang naglalaro nitong Huwebes dakong alas 4:30 ng hapon.