Jeep bumaliktad: 17 deboto sugatan

MANILA, Philippines — Nasa 17 deboto ng Simbahang Katoliko ang nasugatan makaraang bumaliktad ang kanilang sinasakyang pampasaherong jeepney sa makipot na kalsada sa bulubundukin at harapan ng Cesar Climaco Freedom Park sa Brgy. Abong-Abong, Pasonance, Zamboanga City nitong Biyernes Santo ng gabi.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRP) 9, agad na isinugod ang mga biktima na karamihan ay magkakamag-anak sa Western Mindanao Medical Center na kinilalang sina Jocelyn Campaner, 46; Agnes Campaner, 26; Sammy Campaner, 22; Jasmine  Nadate, 3; Juvelyn Abejero, 29; Jema Jebo Abejero, 17; Renelem Astareja, 30; Liandro  Rabusa, 8; Lilian Estateja, 37; Rolando Ligaw, 27; Rosalie Pirante, 37; Junrie Mira Bernabela at limang iba pa

Bandang alas-9:48 ng gabi habang ang mga deboto ay pauwi na galing sa pamamanata kaugnay ng paggunita sa Semana Santa at lulan ng kulay asul na jeepney (JVM -487) na minamaneho ni Edgar Estioca, 47, nang biglang magkaaberya pagsapit sa Brgy. Pasonanca.

Nabatid na overloaded ang jeepney dahil bukod sa mga pasahero ay may lulan pa itong mga kargamento.

Habang pababa na umano sila nang mawalan ito ng kontrol at napadako sa kabilang direksyon hanggang sa bumaliktad. Pagod ang mga deboto sa paglalakad matapos ang kanilang “14 station of the cross” nang makasalubong ang nasabing dyip at nagsitakbuhan na sumakay. (Rhoderick Beñez)

Show comments