MANILA, Philippines — Kuwalipikado pa ring tumakbo sa pagka-gobernador ng Camarines Norte si Gov. Edgar Tallado sa Mayo 13.
Ayon kay Atty. Francis Nieves, provincial election supervisor ng Comelec, bagama’t kinasuhan nila si Tallado ng disqualification, maaari pa ring kumandidato at iboto ang gobernador sa nalalapit na halalan.
Ani Nieves, mahabang proseso pa hanggang sa Comelec En Banc at Korte Suprema ang kaso at nasa balota pa ang pangalan ni Gov. Tallado.
Paliwanag naman ni Atty. Jorge Garcia, legal counsel ni Tallado, nakapaghain na sila ng motion for reconsideration sa desisyon ng First Division ng Comelec kung kaya’t hindi pa ito final at executory.
Naniniwala si Atty. Garcia na posibleng katigan si Gov. Tallado ng Comelec En Banc dahil sa marami nang kahalintulad sa kaso nito tulad ni Sen. Koko Pimentel, Atty. Francis Tolentino na mayor noon sa Tagaytay City na nagkaroon ng interruption ang kanilang termino.
Matatandaang nagbigay ng pahayag Atty. Francis Tolentino sa mga mamamayan ng Cam Norte sa proclamation rally sa Daet noong Oktubre 8, 2018 na hindi masasayang ang boto ng mga botante dahil kuwalipikado pa si Tallado na tumakbo bilang gobernador.
Nanawagan naman si Tallado sa mga katunggali sa politika na tigilan na ang panggigipit at panlilito sa mga botante na siya ay diskuwalipikado.