RIZAL , Philippines — Isang German national at live-in partner nito ang kapwa bumulagta matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem habang sakay ng kanilang sasakyan at pauwi na sa kanilang tahanan sa Antipolo City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Rizal Police Provincial Office (RPPO) Director P/Col. Lou Evangelista ang mga biktima na sina Conrad Heinrich, German national at partner nito na si Remedios Kauth, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Golden Hills Subdivision, Brgy. San Roque, Antipolo City. Sila ay kapwa dead-on-the-spot bunsod sa tinamong mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan.
Batay sa ulat, dakong alas-2:40 ng hapon habang sakay ng kanilang Isuzu Trooper na may plakang XLN-109 ang mga biktima at bumabagtas sa Golden Hills sa Barangay Roque, di kalayuan sa kanilang bahay nang bigla na lang silang parahin ng magkaangkas na suspek sa isang motorsiklo.
Hindi pa man nabubuksan ang bintana ng sasakyan ng mag-live in para tanungin kung bakit sila pinara ay agad na silang pinaulanan ng bala ng mga salarin na nagresulta sa kanilang agarang kamatayan.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, posible umanong agawan sa lupa ang isa sa ikinokonsidera na motibo sa krimen.