CAVITE, Philippines — Napisak ang ulo ng isang Japanese national matapos na magulungan ng isang pampasaherong bus matapos nitong sumemplang sa kanyang minamanehong motor habang bumabagtas sa kahabaan ng Tagaytay-Sta. Rosa Road, Brgy Tartaria, Silang, Cavite.
Nakilala ng pulisya ang biktima na si Hosei Tomita Kakinoki, 60-anyos, tubong Osaka, Japan, Executive Secretary at residente ng 150 Shakespheare St. Sta. Rosa Estates 1, Brgy. Don Jose, Sta. Rosa City, Laguna.
Hawak naman ng pulisya ang suspek na nakilalang si Peter Lariba, 55-anyos, driver, residente ng Brgy Poblacion 6, Amadeo, Cavite.
Sa ulat ng pulisya, ganap na alas-12:30 ng tanghali nang maganap ang insidente, sakay ang biktima ng kanyang Yamaha Mio Soul na may commemorative plate na PNP-SAF at bumabagtas sa nasabing lugar nang bigla itong malubak at sumalpok sa mga nakasakong basura sa ginagawang kalsada dahilan upang sumemplang at sumadsad sa kalsada. Paparating naman ang Kersteen bus (NAT-8053) na minamaneho ng suspek at tuluyang nagulungan ang ulo ng biktima.
Mistulang napisak na kamatis ang nangyari sa ulo ng biktima na naging dahilan ng agarang kamatayan nito.