Holdaper tumba sa fruit stand ng parak
MANILA, Philippines — Bumulagta ang isa sa dalawang holdaper habang nakatakas ang kasapakat nito nang makipagpalitan ng putok nang holdapin ang isang tindahan ng prutas na pagmamay-ari ng isang pulis sa Brgy. Busilac sa bayan ng Bayombong, sa lalawigan ng Nueva Vizcaya, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:40 ng madaling araw nang holdapin ng mga suspek na nagpanggap na mga kostumer ang Bueno’s fruit stand matapos tutukan ng baril ang tinderang si Flordeliza Manuel.
Nanginginig man ay nagawa ng saleslady na tumakbo sa loob ng bahay kung saan nagpasaklolo sa may-ari ng tindahan na si Police Senior Master Sergeant Rey Sixto Bueno, 41, nakadestino sa Regional Intelligence Unit ng PNP Cagayan Valley at residente ng nasabing lugar.
Sinundan naman siya ng isa sa mga suspek at agad na pinagbabaril ang pulis nang makita sa loob ng bahay.
Nauna man na nasugatan ang pulis ay nagawa pa rin nitong gumanti ng putok ng baril hangang sa tumakbo ang dalawang suspek.
Nang sundan umano ang mga suspek ay nakitang tumumba ang isa sa kanila sa harapan ng kanyang tindahan matapos mapuruhan sa dibdib.
Agad naman na tumawag ng saklolo sa Bayombong PNP ang biktima at agad siyang isinugod sa Regional Trauma and Medical Center matapos tamaan sa kanyang braso.
Nakuha sa nasawing suspek na ‘di pa tukoy ang pagkakakilanlan ang isang cal.45 habang ang isa pang kasamahan nito ay tuluyang nakatakas.
- Latest