P1.99-B ‘paluwagan’ ng mga parak, na-scam

Ito ang ibinunyag ni PNP-12 Director, P/Chief Supt. Eliseo Rasco na umaabot pa sa P1.99 bilyong halaga ng investment ang hindi pa nai­babalik sa mga investor sa rehiyon, kahapon.
File Photo

MANILA, Philippines — Daan-daang mga pulis at maging mga sibilyan ang nabiktima ng bilyong pisong Police Paluwagan Movement scam sa Region 12.  

Ito ang ibinunyag ni PNP-12 Director, P/Chief Supt. Eliseo Rasco na umaabot pa sa P1.99 bilyong halaga ng investment ang hindi pa nai­babalik sa mga investor sa rehiyon, kahapon. 

Ayon kay Rasco, mismong sa loob ng Camp Fermin Lira sa General Santos City nagsimula ang naturang investment scam.  

Kinukumbinsi umano ang mga investor na magkakaroon ng 60% na tubo sa loob lamang ng 15 araw, at 100% interest naman sa loob ng isang buwan.  

Iginiit naman ni Rasco na hindi siya nagkulang sa pagpapaalala sa mga kapwa niya pulis laban sa mga investment scams.  

Samantala, patuloy ngayong pinaghahanap ng mga otoridad ang itinuturong recruiter ng naturang investment scam na si Sheila Agustin.

Show comments