MANILA, Philippines — Sinalakay ng mga otoridad ang mansion ng namayapa nang si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr., isa sa mastermind sa karumaldumal na Maguindanao massacre noong Nobyembre 2009 na ikinasawi ng 57 katao kabilang ang 32 mediamen.
Sa report ni Maguindanao Provincial Police Office (PPO) Director Police Colonel Ronald Briones dakong alas-6:00 ng umaga kahapon nang isagawa ng mga operatiba ang raid sa mansion ni Ampatuan sa Brgy. Satan, Shariff Aguak, Maguindanao sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 10591 (Illegal Posession of Firearms and Ammuniton) at Republic Act No. 9516 (Illegal Posession of explosives).
Nakumpiska sa raid ang dalawang rifle grenade projectiles at 240 rounds ng mga bala ng 5.56 na gamit sa M16 rifles.
Hindi naabutan sa lugar ang anim na suspek na nasa search warrants nang isagawa ang raid sa bahay ng dating gobernador na sina Kamsa Salik, Kuryano Usop, Babai Mama Usop, Nasri Salik, Benjar Salik at Pangandaman Salik.
Magugunita na si Ampatuan ay namatay sa National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City matapos itong atakehin sa puso habang nasa piitan.