Kontrata sa pagtatayo ng Malolos-Clark Railways, isusubasta na
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan , Philippines — Naglabas na ng imbitasyon ang Department of Transportation (DOTr) para sa mga nais maghain ng panukalang kontrata sa isusubastang proyekto na Malolos-Clark segment ng North-South Commuter Railways (NSCR).
Lahat ng nais lumahok sa subasta ay maaaring magsumite ng panukalang kontrata hanggang bago mag-alas-10:00 ng umaga ng Mayo 10, 2019. Dapat dalahin ito sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) sa RR Road, Cristobal st., Paco, Manila.
Ayon kay DOTr Usec. for Railways Atty. Timothy John ‘Tj’ Batan, binubuo ng tatlong contract packages ang NSCR Phase 2 na magtatayo ng railway viaduct na may habang 53-kilometrong riles mula sa Malolos hanggang sa Clark International Airport (CRK). Ito ay isang elevated o nakataas na istraktura na magiging kauna-unahang airport-railway link ng Pilipinas.
Inaprubahan ng National Economic Development Authority (NEDA) ang NSCR Phase 2 bilang magiging kauna-unahang airport-railway link o riles na nakadiretso mismo sa isang paliparan sa Pilipinas. May kabuuang P628 bilyon ang proyekto na target matapos at mapaandar ang tren sa Setyembre 2022. Kaya nitong magbiyahe ng 550,000 pasahero araw-araw. Magkakaroon ito ng mga istasyon sa Malolos, Calumpit, Apalit, San Fernando, Angeles at sa Clark International Airport.
- Latest