MANILA, Philippines — Binuweltahan ni San Pascual, Batangas Mayor Rosario Anna “Roanna” Conti si Vice Mayor Antonio Dimayuga matapos niyang sampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 3019 o “Anti-Corrupt Practices Act”,”Gross Neglect of Duty” at “Conduct Prejudicial to the Best Interest of Service” sa Ombudsman dahil sa umano’y pagpigil na maipasa ang kanilang 2019 Municipal Budget na “unlawful” o labag sa batas.
Bukod kay Dimayuga, kinasuhan din ng alkalde sa Ombudsman ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng San Pascual sina Roumel Aguila, Dennis Panopio, Lanifel Manalo, Juanchito Chavez, Ramel Fernandez, at Reyshanne Joy Marquez.
Sinabi ni Conti na kailangang sagutin ng mga respondent ang criminal at administrative charges na inihain sa kanila dahil sa pag-aantalang iapruba ang kanilang 2019 Municipal Budget.
“Dapat December 2018 pa lang ay approved na ang 2019 budget. Ang kaawa-awa ay ang bayan ng San Pascual sapagkat Marso na ay wala pa ring approved budget. Paano naman ang mga serbisyo publiko na dapat matugunan. Paano ang mga scholars, may sakit, PWDs at iba pang sektor tulad ng mga kabataan, senior citizens, kababaihan atbp. na umaasa sa pondong bayan,” ayon kay Conti.