Sa Provincial Jamboree camping
TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines — Patay ang isang 12-anyos na boy scout matapos malunod habang nagtatampisaw sa lawa na nasa loob ng kanilang camping site sa ginaganap na Provincial Jamboree sa Barangay Zitanga, Ballesteros, Cagayan noong Linggo.
Kinilala ni Sr. Insp. Gilbert Danga, hepe ng Ballesteros Police ang nasawi na si Vince Iringan, anak ng kanilang Scout Master na si Vicente Iringan at isang Grade 6 pupil sa Solana Elementary School.
Ayon sa report, nagtulong-tulong ang mga rescue worker, mga guro at magulang upang hanapin ang bata na nilamon ng tubig sa malalim na bahagi ng lawa dakong alas-12:40 ng tanghali.
Matapos ang mahigit isang oras, nakuha rin ang bata na kaagad isinugod sa Ballesteros District Hospital pero idineklarang patay ng mga doktor.
Sinisiyasat ng mga awtoridad kung may kapabayaan ang mga organizer
ng scouting activity sa nangyaring trahedya.