6 Chinese kidnapper arestado

MANILA, Philippines — Anim na Chinese na­tional na kasapi ng “Loan Shark Gang” sa mga casino ang inaresto ng mga otoridad dahil sa pagdukot sa kapwa Tsino sa Calamba City, Laguna, iniulat kahapon.

Kinilala ang mga ina­resto na sina Xin Wang, 30-anyos; Sun Qing Ji, 26; Hong Zhong Ah, 38; Yang Ben, 24; Zhao Da Hai, 40; at Si Cuan, 42; pawang residente ng Pasay City at tubong Fujian province, China.

Sa ulat ng Laguna Provincial Police Office (PPO), ikinasa nila ang anti-kidnapping ope­ration matapos makatanggap ng ulat mula sa isang con­cerned citizen na may narinig siyang humihingi ng saklolo mula sa Ridge Point Resort, Purok 1 Brgy. Pansol, Calamba City.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng surveillance ang mga otoridad at nang maberipika ang ulat ay agad silang nagsagawa ng operasyon sa lugar. Sa isinagawang raid, matagumpay nilang nasagip si Edison Yen, 30-anyos, tubong Shanghai, China at residente ng Greenbelt, Makati City.

Si Yen ay dinukot at dinala sa naturang resort noong Pebrero 27, 2019 at nanatili dito hanggang Marso 2.

Lumalabas na ang mga suspek ay miyem­bro ng “Loan Shark Gang” sa China kung saan ang modus operandi nila ay mag-alok sa mga turistang Tsino ng pera para makapag­laro sa mga casino. Pag ‘di nakabayad, kanilang kikidnapin ang biktima saka hihingi ng ransom money sa mga kaanak nito sa pamamagitan ng bank o wire transfer.

Show comments