MANILA, Philippines — Buluntaryong sumuko sa tropa ng pamahalaan ang dalawang miyembro ng grupong Abu Sayyaf Group (ASG) sa magkakahiwalay na insidente sa lalawigan ng Sulu kamakalawa.
Kinilala ni Col. Gerry Besana, Spokesman ng AFP Western Mindanao Command ang unang sumuko na si Jul-Amri Sali alyas “Pujong”, 27, residente ng Brgy. Bulangasin, Panamao, Sulu, nasa ilalim ng pamumuno ni Abu Sayyaf Commander Radulan Sahiron.
Ayon kay Besana si Sali ay sumuko sa himpilan ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 3 sa pamumuno ni Lt. Col. Ramil Holgado na nakabase sa Brgy. Seit, Poblacion, Panamao, Sulu. Isinuko rin nito ang kaniyang armas na isang M1 garand rifle.
Samantala, sumunod namang sumurender ng nasabi ring araw ang isa pang bandido na si alyas “Sibih” sa tropa ng Army’s 21st Infantry Battalion sa Brgy. Danag, Patikul, Sulu.
Sinabi ni Sibih na dismayado siya dahilan sa may nasusugatan at nasasawi sa kanilang mga kasamahan ngunit pinababayaan lang ang mga ito ng kanilang lider kaya napilitan siyang magbalik-loob na lamang sa pamahalaan.
Patuloy namang sumasailalim sa masusing tactical interrogation ang mga nagsisukong bandido. (With trainee Princess Yvonee Garcia)