MANILA, Philippines — Isang dating pulis at tatlo umanong escort nito na sangkot sa illegal na droga ang nasawi matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects sa Consolacion, Cebu kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang mga napatay na sina Herodias Herbieto, dating pulis; Adrian Cabinelas, Joel Cabardo at isang hindi pa natutukoy ang pangalan.
Ang apat ay mabilis na isinugod sa pagamutan pero idineklara silang mga patay ng mga sumuring doctor.
Sa ulat ng pulisya, si Herbieto ay kakalagak lamang ng kanyang piyansa sa korte dahil sa kasong illegal possession of firearms sa Mandaue City Hall of Justice habang ang tatlong kasamahan ay kasapi umano ng gun-for-hire at drug user.
Lumalabas na habang lulan ni Herbieto ng motorsiklo at angkas ang kanyang misis pauwi sa Brgy. Cabangahan nang sila ay pagbabarilin ng mga suspek. Masuwerte namang hindi tamaan ang misis nito.
Pinagbabaril din ang tatlong escort umano ni Herbieto na magkakaangkas sa isang motorsiklo na sanhi rin ng kanilang kamatayan.