81 pares nagpalitan ng ‘I do’ sa mass wedding
Handog sa Araw ng mga Puso
SANTIAGO CITY, Isabela , Philippines — Umabot sa 81 pares ang sabay-sabay na tumanggap ng matrimonya sa isinagawang “mass wedding” sa Cauayan, City sa lalawigang ito, dalawang araw bago iselebra ang Araw ng mga Puso.
Ayon kay Mayor Bernard Dy, ang mga magpa-partner na nag-isang dibdib ay bahagi ng taunang “Kasalan ng Bayan” na isinasagawa tuwing buwan ng Pebrero para mabigyan ng libreng kasal ang mga magkasintahan na walang sapat na pondo at gustong lumagay sa tahimik.
Kinilala ni Nerissa Serrano, hepe ng Civil Registrar ng Cauayan ang mga pinakamatandang ikinasal na sina Arlene Garcia at Danilo Bite, kapwa 49-anyos at residente ng Brgy. Buena Suerte habang ang pinakabata ay mga nasa edad 18 na magkasintahan.
Ayon pa kay Dy, bumaba ang bilang ng mga magkasintahan na nagpakasal ngayong taon kumpara noong 2018 na umabot sa 133 couple.
Nagsilbi naman na Ninong sa lahat ang mga ikinasal sina Faustino “Inno” Dy, ang National President ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas kabilang na rin ang mga miyembro ng Cauayan City Council at iba pang opisyales ng lungsod.
Naglaan din ang city government ng salu-salo bilang handa ng mga bagong kasal.
- Latest