MANILA, Philippines — Tinuligsa ng grupo ng mga taga-Nueva Ecija ang tila pagsasayang ng pondo ni Nueva Ecija Governor Czarina “Cherry” Umali matapos umanong bumili ng nasa P50 milyong halaga ng homemade na hamon na ipinamudmod ng kanyang asawa at bayaw noong nagdaang Pasko.
Ayon sa grupong Bantay-Pondo Nueva Ecija, aabot sa P50 milyong pondo mula sa kaban ng Nueva Ecija ang nilustay umano ng kapitolyo sa pagbili ng cooked-ham noong Disyembre.
Nanawagan ang grupo kay Pangulong Rodrigo Duterte na kastiguhin si Gov. Umali upang hindi pamarisan ng iba ang walang pakundangang paglustay umano ng multi-milyong pondo ng gobyerno. Anila, mas maraming programa at serbisyo sana ang nabigyan ng katuparan kung ginamit ang pondong ito sa mga basic social services tulad ng edukasyon, ayuda sa kalusugan at subsidiya sa mga magsasaka.
Sa nakuhang vouchers at bidding documents ng grupo, nasa P45,625,000 ang pina-bid ng provincial government ng Nueva Ecija noong Setyembre 28, 2018 para sa pagbili ng 125,000 piraso ng hamon bilang Christmas gift ni Umali sa mga kaalyado sa probinsya.
Malisyoso rin anila ito dahil ang namudmod sa mga hamon ay ang asawa ng gobernadora na si Aurelio at bayaw na si Emmanuel Anthony Umali na tandem sa pagka-gobernador at bise-gobernador sa kabila ng hatol ng office of the Ombudsman sa kanilang “perpetual disqualification” dahil sa parehong kasong katiwalian.
Pinaiimbestigahan din ng grupo sa Department of Trade and Industry (DTI) ang LOOP General Merchandise na nag-cater sa paggawa ng mga hamon.