MANILA, Philippines — Limang paslit kabilang ang tatlong magpipinsan ang nagmistulang uling makaraang makulong ng apoy sa magkahiwalay na sunog na sumiklab sa lalawigan ng Zamboanga del Sur at Davao Oriental nitong Biyernes.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 11, dakong alas-11:30 ng gabi nang ma-trap sa loob ng nasusunog na bahay ng kanilang lolo ang tatlong bata na sina Ahmily Eard Halipa, 10-anyos; kapatid nitong si Chris Herish Halipa, 3, at pinsang si Alicia Denise Halipa, 8-taong gulang, sa Brgy. Sampalok, Mati City, Davao Oriental.
Sinabi ng Mati City Bureau of Fire Protection, ang sunog ay nagsimula sa bahay ni Intoy Culaba na mabilis na kumalat at tumupok sa may 50 kabahayang gawa sa mahihinang uri ng materyales sa lugar.
Nagawang mailigtas ng matandang si Jamid Halipa ang dalawa sa kanyang mga apo pero naiwan ang tatlong biktima na nilamon ng apoy.
Pinaniniwalaang faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog habang tinataya na aabot sa P1.5 milyon ang natupok na ari-arian.
Samantala, iniulat ng PRO 9, bandang alas-5:05 ng hapon nitong Biyernes nang masunog ang bunkhouse na pag-aari ng negosyanteng si Robinson Restojas, 52, ng Brgy. Camanga, Dumalinao, Zamboanga del Sur na ikinasawi ng dalawang paslit.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Nene Virrey, 3-anyos at kalaro nitong 6-anyos na batang lalaki na nakilala lamang sa palayaw na Junjun.
Base sa kuha ng CCTV, pumasok sa loob ng bunkhouse ang magkalarong sina Nene at Junjun na hindi namalayan ng ama ng batang babae na si Jucar Virrey na sumunod sa kanya ang dalawang paslit kung saan naipadlock nito ang bunkhouse.
Nabatid na 15 minuto pa, bigla na lamang tinupok ng apoy ang bunkhouse na ikinasawi ng dalawang musmos makaraang ma-trap umano sa sunog.
Napinsala rin ang sasakyang Montero na may temporary plate 4085 na pag-aari ni Janet Restojas sa nasabing sunog.