2 ‘tulak’ utas sa shootout, 12 timbog

MANILA, Philippines — Dalawang pinaghihinalaang notoryus na drug peddler ang napaslang makaraang mauwi sa shootout ang buy-bust operation ng mga awtoridad habang nasa 12 pang drug suspects ang nasakote sa lalawigan ng Bulacan nitong Huwebes.

Kinilala ni Bulacan Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Chito Bersaluna ang mga napaslang na suspek na sina Johnson Milliama alyas Johnson at Narciso Calizon, 48-anyos, nasa drug  watchlist ng San Ildefonso Municipal Police Station (MPS).

Sa ulat ni Supt. Orlando Castil Jr., hepe ng San Jose del Monte City Police, bandang alas-11:40 ng gabi nang ikasa ng mga anti-drug operatives ang buy-bust laban kay Johnson sa Area F, Brgy. San Francisco ng lungsod. Gayunman,   nakatunog ang suspek na pulis ang ka-deal kaya agad na nagpaputok ng baril bunsod ng shootout na kanyang ikinamatay.  

Iniulat naman ni Supt. Lizardo Acop, hepe ng San Ildefonso Municipal Police Station (MPS), dakong alas-2:25 ng madaling araw nang isagawa ang operasyon laban sa hinihinalang drug pusher na si Calizon sa Brgy. Mataas na Parang, San Ildefonso. Habang lulan ng motorsiklo, nakipag-deal ang suspek sa isang undercover agent pero mabilis nitong pinaharurot ang motorsiklo nang matunugang pulis ang katransaksyon. Dahil dito, nagkaroon ng habulan at nang malapit nang makorner ay nagpaputok ng baril ang suspek sanhi ng shootout na ikinabulagta nito. 

Samantala, nasa 12 pang drug suspects ang nasakote sa serye ng buy-bust operation sa Malolos, Baliwag, San Rafael, Calumpit, Pulilan, San Miguel, at Bocaue ng lalawigan na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng 47 sachet ng shabu, drug paraphernalia at iba pa.

Show comments