Mayor ng Lanao del Norte inaresto sa checkpoint
8 pa nahulihan ng armas
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga awtoridad ang alkalde ng Pantar, Lanao del Norte at walong iba pa kabilang ang dalawang escort nitong pulis makaraang mahulihan ng mga armas na walang lisensya sa Comelec checkpoint sa Iligan City, nitong Martes ng hapon.
Bandang alas-5 ng hapon nang maharang ang behikulo nina Pantar Mayor Jabar Tago at walo pang kasama nito sa checkpoint sa national highway ng Brgy. Tomas Cabili ng lungsod.
Kabilang sa mga nasakote ay ang dalawang security escort ng alkalde na sina PO1 Johaimen Mohamad at PO1 Rasid Lambay; pawang miyembro ng PNP na nakatalaga sa Pantar Municipal Police Station (MPS) at mga security escort ng alkalde.
Sinabi ni Supt. Surki Serenas, spokesman ng Police Regional Office (PRO) 10, hinarang at inaresto ang mga suspek matapos silang mabigong makapagpakita ng Comelec gun ban exemption at Comelec clearance para maging VIP security ng isang politiko.
Nakumpiska mula sa mga ito ang isang M16 rifle, isang MP5, isang 9 MM pistol at isang cal. 45 pistol.
Ang Comelec checkpoint ay ipinatutupad sa gitna na rin ng umiiral na gun ban simula nitong Enero 13 sa pagsisimula ng election period na tatagal hanggang Hunyo 12, 2019 dahil sa gaganaping midterm elections sa Mayo.
Naghigpit din ng seguridad para sa ginaganap na ikalawang round ng plebisito sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Lanao del Norte at 39 pang barangay sa ilang bayan ng North Cotabato.
Sa rekord, noong Mayo 2018 ay naaresto na rin si Mayor Tago at anim na iba pa matapos na makipagbarilan sa pulisya at mga sundalo na sumalakay sa compound nito sa Brgy. Sundiga, Pantar dahil sa ulat na nagtatago ang alkalde ng mga matataas na kalibre ng armas.
- Latest